Ang inihandang talumpati na hindi na nabasa ni Ninoy sa kanyang pagbabalik sa bansa

AMANDA FERNANDEZ, GMA NEWS August 21, 2012
Sa ika-29 na anibersaryo ng kamatayan ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., inilabas ng Malacañang sa unang pagkakataon ang talumpati na hindi nabasa ng yumaong mambabatas na inihanda niya sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas mula sa Amerika noong Agosto 21, 1983.
Ang talumpati ni Ninoy ay isinalin ng Komisyon sa Wikang Filipino sa ating wikang pambansa.”In commemoration of the 29th anniversary of the martyrdom of Senator Benigno S. Aquino Jr., we enjoin our countrymen of all ages to reflect on what Ninoy had hoped to achieve by coming home,” ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda sa isang statement nitong Martes sa Official Gazette.Sa kabila ng banta sa kanyang buhay, pinili ni Ninoy, ama ni Pangulong Noynoy Aquino III, na bumalik sa Pilipinas pagkaraan ng tatlong taon na pananatili sa US.

“His act was one of ultimate faith in the Philippines and his fellow Filipinos—anchored on the principle that only peaceful reconciliation with justice would achieve the restoration of democracy to prevent a Communist takeover and economic ruin,” pahayag ni Lacierda.

“His return was the ultimate act of surrender and self-sacrifice of a man who had endured seven years and seven months of imprisonment out of principle, to prove that the nation could find its faith in democracy once more,” dagdag ng opisyal.

Si Ninoy ay binaril at pinatay habang pababa sa eroplano sa dating Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport na ngayon).

‘Ang pagbabalik’

Sa inihanda niyang talumpati na hindi na niya nabasa, inihayag ni Ninoy ang kanyang pagnanais na maibalik ang karapatan ng mga mamamayan.

“Hindi ko hangad ang sagupaan. Idinadalangin ko’t aking sisikaping magkaroon ng tunay na pambansang pagkakasundo batay sa katarungan,” nakasaad sa talumpati ng yumaong senador.

Nakasaad din sa talumpati ang kanyang kahandaan sa anomang mangyari sa kanyang pag-uwi sa bansa. Gagawin niya ito sakabila ng mga payo na huwag siyang bumalik sa Pilipinas dahil na rin sa banta sa kanyang buhay.

“Ako’y magbabalik mula sa pagkatapon sa ibang bansa at sa walang katiyakang bukas taglay lamang ang tanging tibay ng loob at pananalig sa Pilipino at pananalig sa lumikha,” ayon kay Ninoy.

Mariin ding pinabulaanan ni Ninoy sa inihandang talumpati na hindi siya Komunista gaya ng paratang ng noo’y administrasyon ni (Ferdinand) Marcos Sr.

Narito ang buong talumpati ni Ninoy na makikita sa Official Gazette.

Sundan sa: Inihandang talumpati na hindi na nabasa ni ninoy sa kanyang pagbabalik sa bansa

One thought on “Ang inihandang talumpati na hindi na nabasa ni Ninoy sa kanyang pagbabalik sa bansa”

  1. [Filipino translation] The undelivered speech of Senator Benigno S. Aquino Jr. upon his return from the U.S., August 21, 1983
    Talumpating hindi nabigkas ni Senador Benigno S. Aquino Jr.: Noong siya ay bumalik mula sa Amerika
    [Ika-21 ng Agosto 1983]

    Kusa akong nagbalik upang makisama sa mga hanay ng mga nakikipaglaban para sa pagbabalik ng ating mga karapatan at kalayaan sa imapayapang pamamaraan.

    Hindi ko hangad ang sagupaan. Idinadalangin ko’t aking sisikaping magkaroon ng tunay na pambansang pagkakasundo batay sa katarungan. Handa ako sa ano mang masamang maaaring mangyari. Nagpasya ako labag sa payo ng aking ina, ng aking tagpayong espirituwal, ng aking mga kaibigan, at ng ilang tagapayo sa politika. May naghihintay sa aking hatol na kamatayan, dalawang kasong subversion na ang pawang hiling ay ang aking kamatayan na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa mga korte.

    Maaari sanang ako’y humingi ng political asylum sa Amerika ngunit nadarama kong tungkulin ko na siya ring tungkulin ng bawat Pilipino na siya ang makiramay sa kanyang mga kababayan lalo na sa panahon ng krisis.

    Kusa akong nagbalik na ang tanging sandata ay ang aking malinis na konsensiya at nagkukuta sa pananalig na sa dakong huli’y ang katarunga’y gigitaw nang buong tagumpay.

    Nang ako ay umalis upang ipailalim sa bypass operation sa puso, ako’y umasa at nanalanging sana’y ibalik ang mga kalayaan at karapatan ng ating mga kababayan na ang pamumuhay ay umunlad at ang pagdanak ng dugo ay matigil. Ngunit sa halip na tayo’y sumulong tayo’y dumausdos nang paurong. Dumami ang pagpatay, ang ekonomiya ang lalong sumama at lumubha ang karapatang pantao. Ang malalang kalagayan ng bansa ay ating malulunasan kung tayo’y nagkakaisa. Ngunit tayo’y magkakaisa lamang kung maibabalik ang lahat ng karapatan at kalayaang tinatamasa natin bago ang ikadalawampu’t isa ng Setyembre, 1971. Tunay na matiisin ang Pilipino ngunit may hangganan ang kanyang pagtitimpi. Hihintayin pa ba nating maubos ang paigtitimping ito?

    Ang laganap na paghihimagsik ay lumalala at nagbabantang sumabog sa isang madugong rebolusyon. Dumarami ang mga kadre ng kabataang Pilipino na sa ngayo’y naniniwalang ang kalayaan ay hindi ibinibigay kundi kailangan ito’y agawin. Kailangan pa bang tayo’y magbuhos ng dugo tulad noong nakaraan na naging kabayaran ang ating Republika o maaari ba tayong umupo at mag-usap bilang magkakapatid upang ayusin ang ating hindi pagkakasunduan sa tulong ng katwiran at magandang kalooban.

    Madalas kong isipin, alin kayang mga sigalot ang naisasaayos sana nang mahusay kung ang mga nagtutunggali ay naglalahad lamang ng kanilang malinaw na mga kagustuhan. Kaya upang di mabigyang puwang ang di pagkakaunawaan, aking ilalahad ang aking mga hangad na mangyari.

    Una, iniutos ang pagbitay sa akin noong ako’y palayain kaagad. Ako’y hinatulang mamatay sapagkat ako raw ay isang puno ng mga komunista. Hindi ako isang Komunista, hindi ako kailanman naging komunista at kailanman ay hindi ako magiging komunista.

    Ikalawa, ang pamabansang pagkakasundo’t pagkakaisa at makakamit ngunit sa tulong lamang ng katarungan. Kasama na ang katarungan para sa ating mga kapatid na Muslim at Ifugao. Walang pakikitungo sa isang diktador, walang pakikipagsundo sa diktadurya.

    Ikatlo, sa isang rebolusyon ay walang nagtatagumapay. Mayroon lamang mga biktima, hindi natin kailangan magwasak upang makapatayo tayong muli.

    Ikaapat, ang paglaban sa pamahalaan o subversion ay nag-uugat sa mga dahilang pang-ekonomiko, pangkabuhayan at pampolitika at hindi ito malulunasan ng mga hakbang militar. Ito’y masasagkaan hindi ng higit na paghihigpit kundi ng higit na patas na pamamahagi ng kabuhayan. Higit na demokrasya at higit na kalayaan.

    Ikalima, upang mapaunlad ang ekonomiya, ang mga manggagawa ay dapat na pagkalooban ng kanilang makatarungan at tamang bahagi ng kanilang pinagpaguran sa pasilyo sa Harvard University ay nakaukit sa marmol ang mga salita ng makatang si Archibald Maclish, ang sabi ni Maclish, “Paano ipagtatanggol! ang kalayaan sa tulong ng sandata kapag ito’y sinasalakay ng sandata, sa tulong ng katotohanan kapag ito ay nilalapastangan ng kasinungaligan, ng tiwala sa demokrasya kung ito ay binabayo ng prinsipyong mapaniil, lagi at hanggang sa huli, sa tulong ng matatag na paninindigan.”

    Ako’y magbabalik mula sa pagkatapon sa ibang bansa at sa walang katiyakang bukas taglay lamang ang tanging tibay ng loob at pananalig sa Pilipino at pananalig sa lumikha.

    <a href="http://www.gov.ph/1983/08/21/filipino-translation-the-undelivered-speech-of-senator-benigno-s-aquino-jr-upon-his-return-from-the-u-s-august-21-1983/” rel=”nofollow”>

Your Opinions...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s